MARSO. Araw na naman ng mga kabataang nagsisipasunog ng kilay para lamang makatapos sa elementarya’t sekondarya. Ang ilan na hindi nadaan sa pagsisipag e pasalamat pa rin at nakapagtapos dahil sa iyak ni Nanay, sipag ni Tatay, awa ni Titser, at pagtatago ng bisyo. Sa araw na din na ito nagsilipana ang mga tagatinda ng sampaguita, scramble, kandila, at rosas. Bida rin ang mga photographer na ang tingin ata sa mga graduates ay mga modelo sa billboard. Syempre, nariyan ang mga magulang na liyad ang dibdib kahit walang medalyang matatanggap ang kani-kanilang mga anak. At syempre, yung mga magulang ng mga kasama sa Honor List, yun yung mga tipong nag-aala Jean Garcia, Eula Valdez, Cherry Pie Picache at Annabelle Rama sa mga telenovela.
Magsisimula ang programa sa panalangin na ngayo’y ginagawa ng sayaw o toxology na ewan at kahit maganda ang kanta ay hindi ko maiwasang kumunot ng noo dahil sa mga nahihiyang kalamnan ng mga mananayaw. Sumunod ang maiikling mensahe ng School Principal, Head Teacher, at mga Pangunahing Pandangal na ewan kung sadyang ang salitang “maikli” ay sumisimbolo na ngayon sa tatlumpong minuto hanggang sa iisang oras na mensahe. Matapos nito ay ang pagbibigay na ng medalya sa mga katangi-tanging mag-aaral. Habang yung ibang saling ketket ay maghihikab, sisimangot o makikipagtsismisan na lang sa katabi. Yung iba naman, magpaplano na ng gagawin matapos ng napakahaba at napakaboring na programa. At ang huling parte, yun. Yun ang paborito ng lahat. Yung iyakan portion. Yung tipong magpapaalam ka na sa mga naging crush mo, ex-bf/ex-gf, mga bestfriends na minsa’y nakaaway mo, mga taong never mong nakausap sa loob ng mahabang panahon, at mga tropa, barkada, kaklase na magiging classmates mo rin naman sa hayskul o kolehiyo. Yung iba naman, umiiyak lang dahil sa peer pressure. Aba! Mahirap ng ma-out-of-place di ba?
Kahit na sinong estudyante, masasabing isa sa pinakamasarap na parte ng pagiging teenager ay ang Highschool Life. Dito mo kasi unang natikman ang tamis ng unang pag-ibig, pait ng beer, usok ng sigarilyo, kilig sa crush, paglalaro ng Volleyball, pagsayaw, pagkanta, pag-arte at pag-iinarte sa harap ng publiko para hindi bumagsak sa subject, pagdadala ng kung anu-ano para sa proyekto, at matutong mag-computer, FACEBOOK, at chat habang gumagawa ng Final Requirements. Kaya naman sa pagtungtong ng Kolehiyo, wala ng bukambibig kundi ang mga alaala ng hayskul na unti-unti namang mabubura ng College Life.
Siguro nga, masaya ang highschool life. Masaya dahil sa mga iba’t ibang alaala na naibigay nito sa isang indibidwal. Masaya dahil sa mga kakaibang natutunan, mapa-akademiko o kabulastugan. Masaya dahil nagawa mo ang mga bagay na…mmm… alam mo na yon. Pero kung isa kang estudyante na napapaligiran ng mga expectations, ni hindi mo masasabing sumaya ka nung una mong nakausap ang crush mo nung hayskul.
Sabihin na nating isa ako sa mga bitter nung hayskul. Hindi dahil grumadwyet ako ng walang flying honor o kaya’y na-OP noong nagsisipag-piktsuran yung mga kaklasmeyts ko. Hindi naman ako sanay ng may barkada e. Hindi naman ako naapektuhan kung hindi man ako nakasama sa honorables o kaya nabigyan man lamang ng leadership award kahit na halos araw-araw akong nawawalan ng boses kakasaway ng mga estudyanteng matitigas ang bunbunan, mga estudyanteng feeling maton, at makipagdebate maging sa isang retired general na nagmamay-ari ng cumpter shop sa gilid ng school na nagpapapasok sa kompyuteran ng mga estudyante sa oras ng kanilang aralin. Wala ng kaso sakin yun. Tanggap ko na hindi lahat ng mabubuting bagay na nagagawa ay may kaakibat na pagkilala. Tanggap ko rin na lahat ng pagod mo, sakripisyo, at pagmamasipag ay hindi nangangahulugan na isa kang matalino o masipag. Sadyang may mga bagay na hindi na dapat patunayan dahil walang ibang nakakakilala sa sarili mo kundi ikaw mismo. Aanhin mo ang mga medalya? Wala. Ipagmamayabang mo lang lahat iyan. Patunay na ikaw ay isang matalino’t masipag na estudyante. At pag nakita ng ibang tao yan, uusigin at uusigin ka nila. Tatantyahin kung hanggang saan ang laman ng utak mo. Aalamin kung karapatdapat ka sa medalyang nasa dibdib mo. At kung magkamali ka ng isasagot, malamang sa malamang, tapos ang karir mo sa pagiging matalino. At iyon ang ikinapait ng pagiging hayskul. Yung mga panahon na porke’t nakatanggap ka ng pagkapanalo’t pagkilala ng maraming tao, e para bang wala ka ng karapatang maging tao…taong nagkakamali.
Minsan nga naisip ko, matalino nga ba ako o sadyang nagpapakatali-talinuhan lang? Sadya bang matalino ako dahil masipag ako o masipag ako dahil matalino ako? O baka naman mataas lang ang self-confidence ko? Sa huli, tanging pagtutulala’t pagtulog lang ang sasagot sa mga katanungan ko. Kahit naman pag-isipan ko siya ng ilang ulit, wala din akong makukuhang sagot dahil nakakaantok ang mag-isip lalo na kung sarili mo lang ang iyong iniisip.
Kung tutuusin, lumaki ako sa ideya na ang katalinuhan ay nasusukat sa dami ng medalya at popularidad habang ang kabobohan ay pagtanggap ng line of 7 sa card. Sa awa ng Diyos, kahit ang tanging alam ko lang gawin nung grade 1 ay ang mag-color ng isang buong libro, magbasa ng English Books, magsolve ng mathematical problems, makipagdal-dalan sa katabi, makipagsuntukan sa mga kaaway ng mga tinuturing kong kaibigan at magpabalik-balik sa CR habang nagrerecitation, e hindi pa ko nakakatikim ng line of 7. Ni hindi rin naman ako nakakaakyat ng entablado nun para kumuha ng medalya. Kaya, hindi ko masasabing matalino o bobo ako tutal, kahit na anong mangyari, andyan naman sila mama’t papa na sasagot sa mga assignments ko kaya NO WORRIES!
Noong unang beses na nakilala ko si FRACTION, saka ko naisip, anong halaga ng pag-aaral ng nito? Para ba maintindihan ang pagkikilo ng isda sa timbangan, malaman kung gaano kamahal ang ¼ na asukal o para makapasa sa Math? E yung subject-and-verb agreement, para saan yun? Para ba hind maging kahiya-hiya kung makipag-usap sa mga foreigner o mga toang nagpapaka-foreigner o para hindi bumagsak sa subject na English? Yung mass, weight and volume? Pag nalaman ko ba yon matutulad ako kay Einstein o magiging maalam lang ako sa Science? Sadyang mabilis ang panahon at natutunghayan ko na lamang ang aking sarili sa salamin na namumoblema sa 3 major subjects. Yung dating usapin ng katalinuhan at kabobohan ay naging isyu ng EDUKASYON. Noong pumasok ako sa isang pribadong eskwelahan noong grade 6 hindi ko na naisip kung magiging bobo o matalino ako. Ang tanging gusto ko lang ay ang magkaroon ng maraming kaalaman sa mga bagay bagay. Yun kasi yung mga panahon na naghirap kami…na nag-labor ang tatay ko dahil bumaba ang sahod nito bilang Security Officer (all-around) sa isang Bookstore. Doon naranasan naming maging NPA (No Permanent Address), mapalayas sa tinitirhan naming bahay; mamuhay sa ilaw ng gasera kung kaya’t hindi maiiwasang malagyan ng uling uling yung mga pinapasa kong proyekto; mapabarangay ang mga magulang dahil sa patong-patong na utang para lamang may maipambili ng pagkain, maibayad sa tuition, at makabili ng kagamitan sa eskwela; kumain ng lugaw na may asin tatlong beses sa isang araw kung sinuwerte at kung mamalasin, ay power nganga at tubig lamang ang ipapalaman sa tiyan; matawag na basura at anak ng manloloko; matutong maging reflexologist para magkaroon ng bigas, at magkaroon ng pagkain sa school naming magkakapatid. Natutunan ko din kung paano maging Claudine Barreto para makapangutang sa mga tindahan noong maging sikyu at madestino sa malalayong lugar ang ina at ama ko. Naranasan ko din yung mag-ala Judy Ann Santos sa paaralan dahil sa pagiging mahirap. Madrama man pero atleast, sa ilang saglit ng buhay ko, e naging telenovela Princess naman ako sa istorya ng buhay ko.
Sa awa ng Diyos, at sa tulong ng iba’t ibang pulitiko, nakapasok ako sa sekondarya, nagkamit ng pagkilala’t pagkapanalo sa iba’t ibang kumpetisyon at natikman ang tamis ng PAGTATAPOS sa hayskul baon ang napakaraming alaala ng pagpapakahirap at paglaki ng binti kakalakad sa pagpasok, pagkapal ng mukha para makadiskarte ng pamasahe’t panggastos sa mga proyekto, hanggang umalwan ang kalagayan at makasampa ng kolehiyo.
Sa mga taon na ginugol at gugugulin ko pa sa susunod na isang taon sa pag-aaral bilang kolehiyo, masasabi kong wala sa line of 7, tres, singko, Inc, Dropped, Failed, Back Subjects pagkawala sa Honor Rolls o Dean’ Lister, President’s lister o kaya’y iba’t ibang scholarships, at pagiging kulelat sa klase ang GREATEST FAILURE mo bilang estudyante… Ito ay ang katotohanan na hindi mo maipagmamalaki sa buong mundo ang produkto ng pagpapakahirap mo bilang estudyante maging ng mga magulang mo na walang sawang sumusuporta sa pag-aaral mo. Hindi dahil sa alam mong hindi ka gagradweyt ng may karangalan, kundi, iilan na lamang sa atin, sa ating mga estudyante, ang mayroong kumpletong pamilya…mga magulang na gagabay sa ating tatahaking karir at maniniwala sa ating kakayahan bilang indibidwal. Wala sa medalya, karangalan at pagkilala ang greatest achievement mo bilang mag-aaral. Ito’y nasa mga aral ng buhay at akademikong bagay na iyong isinasabuhay hindi lamang sa loob ng apat na sulok ng paaralan kundi sa pang-araw-araw na pakikisalamuha mo sa realidad. Ito’y wala sa pagtugon ng samu’t saring expectations kundi sa paglasap ng iyong pansariling pangangailangan bilang indibidwal. At ang kaalaman ay hindi para may maipagmalaki kundi para mas lumawig ang pang-unawa. Sa huli, masasabi kong ang pagtanggap ng tunay na karangalan ay nasa ideya na lamang ng tagumpay.
“…your life is not complete when you never fail”
(Prof. Echauz, 2011)
Salamat sa pagbabasa ng aking maikling mensahe. MABUHAY ANG MGA MAGSISIPAGTAPOS! J