Wednesday, December 7, 2011

"PISO"



Rally sa Mendiola, away sa Senado, pagtaas ng mga pagkaing pang-Noche Buena sa merkado, pagbaba ng presyo ng kuryente bago mag-Pasko, at nakaambang pagbaba kuno ng presyo ng gasoline maging ng pamasahe… ilan lamang iyan sa mga kinakaharap ng ating bansa na siyang acting nababalitaan sa telebisyon. Mga nakaambang pagbubutas ng bulsa o di kaya’y “tunay na diwa ng Pasko” sa mga mamamayang problema ay ang maraming piso para sa ikabubuhay. Ika nga nila, maswerte ka na kung mayroon kang piso sa bulsa. Sa panahon kasi ngayon, uso ang tag-ipon ng pera dahil kung hindi, mamamatay ka ng dilat ang mga mata. Ngunit, ano nga bang halaga ng piso? Anong silbi nito bukod sa ito’y kumukumpleto sa halaga na ating maipambibili ng pagkain?  Anong mayroon sa isang pirasong piso? Sinasabi ng ilan na ito’y importante sa buhay ng bawat nilalang. Pera na kasi ang nagpapaikot sa buhay ng tao. Pera na katumbas ay pagdurusa noon, pagkabusog ngayon at pagyaman bukas. Isang bilog na metal na kung saan ay may nakaukit na mukha. Mukha na noo’y tinuturing kong artista; mukha na inakala ko na siyang dating Pangulo ng bansa; At mukha na animo’y na-stiffed neck ­dahil sa pagkakaside view. Noon pa man, ninais ko ng kilalanin ang taong nakauikt sa pisong iyon. Nais ko kasing magpasalamat sa kanya kung kaya’t nakakabili ako ng tsokolate at kendi na nang lumaon ay gusto kong sisihin kung bakit nauso at naging dahilan ng pagpapahirap sa bawat tao. Ngunit, sa likod ng aking musmos na kaisipan, akin ring ninais ang katotohanan sa likod ng bilog na salaping iyon nang walang bahid haka-haka at sabi-sabi.


Grade 5 ako noon ng makilala ko ng lubusan kuno ang lalaking nakaukit sa piso. Ako’y namangha sa kanyang mala-telenobelang kwento sa buhay at kakaiba o korni na salita sa kanyang mga tula. Mula noon, nakilala ko siya bilang makatang manunulat, martir na bayani, at tulad ng iba, kilala ko siya bilang Pambansang Bayani. Ilang taon na rin ng aking malaman na siya’y isang kritiko ng simbahan, paaralan, pamahalaan at maging ng kanyang sariling bayan. Nalaman ko rin ang mga baluktot na paniniwalang aking kinalakhan. At ang noo’y pag-aakalang isa siyang babaero ay naibsan ng mapanood ko ang isang dokumentaryong kapanahunan pa ata ni McArthur sa pagkaluma, ang Buhay ng Isang Bayani na pinangunahan ni Pen Medina at siya namang inilahad ni Juni Gamboa.


Sa una, nasabi kong sayang ang 130 pesos na aking nagastos sa kopya ng palabas na yon dahil sa kawalan ng ibang paraan (no choice) at sa kadahilanang ito’y nailahad na nang paulit-ulit ng aming mga guro mula elementary, hayskul maging ngayon sa kolehiyo. Paulit-ulit-ulit na kulang na lang e gawan namin ng aming sariling bersyon ng pagdodokumento. Marami na ring palabas ang nagpalabas ng buhay ni Rizal, mga libro, sanaysay at kung anuman. Ngunit, kaiba sa aking mga nabasa’t napanood ang lumang dokumentaryo na iyon na ang sabi, ay nagmula sa munting journo ni Rizal. Doon ay kanyang inilagay sa kanyang talaarawan ang mga karanasang nagpabago sa kanyang persepsyon. Hindi ko alam kung ako nga lang ba ang hindi nakakaalam nito o sadyang hindi naituro sa aming paaralan ang mga bagay na aking natuklasan tulad ng pagpalo sa kanya sa likod ng kanyang angking talino noong mga panahong siya’y nag-aaral; na siya ay may interes rin sa mga kwentong lagim; na siya pala’y sensitibong tao at emosyonal; na siya pala’y minsan na ring lumangoy sa kalungkutan; na siya pala’y tulad rin iba ay nakararamdam ng pamamaliit, pagkalito at mga bagay na para sa akin ay kaiba sa mga taong labis-labis ang angking katalinuhan. Sa kabilang banda, ako’y lubusang humanga sa kanyang mga salita’t idealismo hinggil sa maliit hanggang sa malakihang usapin sa iba’t ibang larangan. Sa panood ng dokumentaryong ito’y naisip kong sulit din pala ang aking nagastos bagamat butas ang bulsa, e napunan naman ng nasabing palabas ang mga maling akala at pagpapakilala sa isang taong tinitingala at binabalewala ng ilan.


Sa palabas na iyon, naisip kong, mas makakabuti kong ito’y maipapalabas sa mga elementary o di kaya’y sekondarya bukod sa mga naisaad na sa libro upang umigting ang pagkaPilipino ng ating henerasyon. Nakakalungkot kasing isipin na maaaring maging tulad ko ang mga kabataang aking nakikita. Mga kabataan na hanggang sa paglaki e nakikilala lamang ang taong nasa piso bilang Pambansang Bayani ng bansa… TAPOS! PADLOCK! NO ERASE! Sana lang, ang pisong pinapang-computer at pinapang-load ay siya ring bigyang halaga bilang tagapaglinang ng bansang ating sinilangan. Weird man pero ito ang katotohanan. Katotohanang nililimot na ng panahon…

0 comments:

Post a Comment

Newer Posts Older Posts